Prayoridad ng pamahalaan na mapaabutan ng tulong ang mga mangingisdang Pilipino, nasa West Philippine Sea (WPS) man ang mga ito o sa ibang bahagi ng bansa.
Pahayag ito ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya nang tanungin kung paano tutulungan ng pamahalaan ang mga managingisda na hindi makalapit ngayon sa Bajo de Masinloc, makaraang maglatag ng boya ang China sa lugar na sakop ng teritoryo ng bansa.
Sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na ginagamit ng pamahalaan ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources maging ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa pagpapaabot ng tulong sa mga mangingisdang Pilipino.
Ayon sa opisyal, nagdadala sila ng pagkain, canned goods, at gasolina, para matulungan ang mga mangingisda sa kanilang paglalayag.
“At ito pong ginagawa natin, matagal na po natin itong ginagawa and we will continue to do so dahil ito pong West Philippine Sea, iyan po ang yaman ng ating bansa at kailangan po makinabang ang ating mga kababayan.” —ADG Malaya. | ulat ni Racquel Bayan