Sisimulan na bukas ng Department of Social Welfare and Development ang pamamahagi ng Sustainable Livelihood Program (SLP)-cash assistance sa mga sari-sari store owner.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, bahagi pa rin ito ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang mga naapektuhan ng ipinatupad na price cap sa well-milled at regular-milled rice.
Tulad ng mga micro rice retailer, bawat qualified sari-sari store owner na sumunod sa price cap alinsunod sa DTI at DSWD regulations ay bibigyan ng livelihood cash aid na P5,000.
Sinabi ni Lopez na prayoridad na mabigyan ng ayuda ang sari-sari store owners na nakarehistro ang negosyo sa Business Permit and Licensing Office ng local government units.
Pagtiyak pa ni Lopez na sisikapin ng DSWD at DTI na mapabilis ang payout ng SLP-cash aid ngayong buwan ng Setyembre.
Batay sa datos, nasa mahigit na P92.3 milyong halaga ng cash aid ang naipamahagi na sa 6,161 micro rice retailers na apektado ng price ceiling sa bigas sa buong bansa. | ulat ni Rey Ferrer