Pinamamadali na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng cash assistance sa mga rice retailer na apektado ng umiiral na price cap para sa regular at well milled rice.
“Sa instruction ng ating Pangulo, naatasan kami na siguraduhin rin na iyong kapakanan ng mga micro and small rice retailers natin mapangalagaan. Ang ginamit natin na behikulo dito iyong programa na mainstay na, matagal nang programa ng DSWD – iyong Sustainable Livelihood Program.” —Secretary Gatchalian
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na nasa halos 500 nang rice retailers ang nabigyan nila ng cash assistance na tig P15, 000 mula sa 5,942 retailers na nasa kanilang listahan.
Ayon sa kalihim, ikinalugod ng Pangulo na may self-impose deadline ang DSWD, upang hindi masagasaan ng election ban ang cash pay-out ng pamahalaan.
Sinabi ng kalihim, na asahan nang bibilis ang pag akyat ng bilang ng mga nakatanggap ng cash assistance sa mga susunod na araw hanggang sa September 14. | ulat ni Racquel Bayan