Handa na ang Department of Social Welfare and Development para sa nationwide rollout ng ayuda sa mga maliliit na rice retailer na apektado ng EO 39.
Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gagamitin ng ahensya ang Sustainable Livelihood Program (SLP) para matulungan ang mga maliliit na retailer na naapektuhan ng pansamantalang price cap sa bigas.
Mayroon aniyang P5.5 bilyong pondo ang DSWD sa ilalim ng SLP na sapat para masimulan na ang payout nito sa susunod na linggo.
Dagdag pa ng kalihim, maaaring umabot sa hanggang P15,000 ang one-time financial assistance na matatanggap ng bawat benepisyaryo sa programa.
Sa ngayon, hinihintay na lang aniya ng DSWD ang listahan ng mga kwalipikadong small rice retailer na magmumula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA).
Kaugnay nito, welcome naman sa DSWD ang P2 bilyong pondo na handang ilaan ng kongreso bilang augmentation sa SLP budget.
Sa tulong nito, makatitiyak aniya na mas maraming rice traders at retailers ang matutulungan ng pamahalaan.
“I told Speaker Romualdez that the SLP’s Php 5.5 billion is enough to help the distressed small rice retailers. But I also welcome the additional budget as this would mean more Filipinos will be given assistance under the SLP,” Secretary Gatchalian. | ulat ni Merry Ann Bastasa