Inihain ni OFW Party-list Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang House Resolution 1343, para pormal na imbestigahan ng angkop na komite sa Kamara ang napaulat na pang-aabuso sa mga Pilipinong seasonal worker sa South Korea.
Tinukoy ni Magsino ang ‘Local Government Unit to Local Government Unit (LGU to LGU)’ arrangement sa pagitan ng Pilipinas at South Korea, para sa pagpapadala ng Filipino Seasonal Agricultural Workers
Batay sa ‘Foreign Seasonal Workers Dispatch Program’, magpapadala ng foreign seasonal workers sa Korea na magtatrabaho sa mga fruit, vegetable at fishing farm sa loob ng tatlo hanggang limang buwan.
Sasagutin ng Korea ang housing at iba pang batayang pangangailangan ng mga manggagawa.
Una nang ibinunyag ni Magsino ang iregularidad sa naturang programa matapos bumisita sa Filipino Community sa Korea noong Hunyo, kung saan ilan sa reklamo ay hindi maayos na pagkain at tuluyan.
Maliban pa aniya ito sa paglabag sa terms ng kontrata at sobrang oras ng pagtatrabaho.
Sa nakaraang mga budget hearing inamin ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers, na alam nila ang naturang programa ngunit walang pormal at maayos na panuntunan para dito—bagay na naglalantad sa mga Pilipino sa pang-aabuso.
Ayon naman sa datos ng Department of the Interior and Local Government, mayroong 46 na lokalidad na nakibahagi sa naturang programa. | ulat ni Kathleen Forbes