Inanunsyo na ni Caloocan Mayor Along Malapitan na kanselado ang pang-hapong klase sa lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lungsod simula alas-12:00 ng tanghali ngayong Biyernes.
Bunsod ito ng mababang kalidad ng hangin na naitala sa buong Metro Manila kasabay ng posibleng pag-ulan mamayang hapon.
Ayon pa sa alkalde, kanselado na rin ang lahat ng outdoor activities ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan bilang pag-iingat.
Kaugnay nito, naglabas na rin ng ilang paalala ang Caloocan LGU sa maaaring gawin upang makaiwas sa epekto ng volcanic smog o ‘vog’ na mula sa sulfur dioxide (SO2) na direktang humahalo sa hangin.
• Ugaliing magsuot ng N95 mask at iwasan ang mahabang exposure sa lugar
• Manatiling nakatutok sa mga anunsyo ng pamahalaan at ihanda ang mga kagamitan pang-komunikasyon
• Subukang mag-imbak ng pagkain bilang paghahanda sa emergency evacuation o paglala ng sitwasyon
• Iwasang lumabas kung hindi naman kailangan at iwasang manatili sa mga mabababang lugar
• Sa mga mayroong sakit sa baga, tiyakin na sapat ang inyong medikasyon at iwasang ma-expose sa ‘smog’ na maaaring magdulot ng paglala ng inyong karamdaman. | ulat ni Merry Ann Bastasa