Naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat na lumikha ng diplomatikong solusyon laban sa mga pandaigdigang banta at seguridad.
Ilan na dito ayon sa Pangulo ang peligro sa paggamit ng nuclear weapon kaugnay ng Ukraine conflict, at ang kamakailang ballistic missile tests ng North Korea o ng Democratic People’s Republic of Korea.
Ayon sa Pangulo, itinuturing na concern ng Pilipinas ang aniya’y buildup ng global weapon stockpiles na nagdudulot ng peligro sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad.
Nanawagan din ang Pangulo sa North Korea, na tumalima sa UN Security Council resolutions na naglalayong makamit ang pang matagalang kapayapaan at katatagan sa rehiyon, sa pamamagitan ng isang denuclearized Korean Peninsula.
Samantala, iginiit din ni Pangulong Marcos na matibay ang suporta ng Pilipinas sa prinsipyo at layunin ng UN Charter; Lalo na sa usapin ng soberenya, territorial integrity at political independence sa harap ng nagpapatuloy pa ring conflict sa Ukraine at iba pang areas of concern.
Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo sa kanyang intervention sa 18th Eaat Asia Summit, na dinaluhan din nina Chinese Premier Li Qiang at Australian Prime Minister Anthony Albanese.
Gayundin nina Japan Prime Minister Fumio Kishida, South Korean President Yoon Suk Yeol, US Vice President Kamala Harris, at iba pang world leaders. | ulat ni Alvin Baltazar