Hinamon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang Anakbayan na patunayan ang kanilang akusasyon na ang gobyerno ang responsable sa umano’y pagkawala ng dalawang environmentalists na sina Jonila Castro at Jhed Tamano sa Orion, Bataan.
Sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General at NTF-ELCAC Spokesperson Jonathan Malaya na kung walang mailabas na pruweba ang Anakbayan, mas mabuting ipauubaya na lang nila sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon kaysa nagtuturo.
Nanindigan naman si NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. na malisyoso at walang basehan ang mga alegasyon ng Anakbayan laban sa militar at gobyerno sa pagkawala ng dalawang miyembro ng Akap Ka Manila Bay environmental group.
Giit ni Usec. Torres na pawang paninira lang ito sa integridad at propesyonalismo ng NTF-ELCAC ng mga teroristang komunista.
Kasabay nito, nagpahayag din ng pagka-bahala si Torres sa napaulat na pagkawala ng dalawang aktibista at nanawagan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na magsagawa ng malalim at patas na imbestigasyon. | ulat ni Leo Sarne