Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 8925 o Philippine Islamic Burial Act.
Nilalayon nito na makasunod ang mga Pilipinong Muslim sa kanilang tradisyon na agad na mailibing ang kanilang yumaong mahal sa buhay sa loob ng 24 oras.
Kaya naman bibigyan sila ng exemption sa pangangailangan na mairehistro kaagad ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay o pagkakaroon ng death certificate bago ito ilibing.
Ang pagkamatay ay ire-report ng indibidwal na nagsagawa ng Islamic burial rite o ng kamag-anak nito sa local health officer sa loob ng 30 araw mula sa araw ng paglilibing para magawa ang death certificate.
Mahigpit na ipagbabawal sa mga ospital, medical clinic, purenarya, morgue, custodial o prison facility at mga katulad na pasilidad ang hindi paglalabas ng labi dahil lang sa hindi pa nababayaran ang mga obligasyon nito.
Maaari namang magbigay ng promissory note para sa hindi nabayarang obligasyon.
Papatawan ng multang P50,000 hanggang P100,000 at/o makukulong ng isa hanggang anim na buwan ang mga lalabag. | ulat ni Kathleen Jean Forbes