Naghain si Senador Robin Padilla ng panukalang batas na layong bigyan ng ngipin o mas bigyang kapangyarihan ang Commission on Human Rights (CHR).
Sa ilalim ng Senate Bill 2440, layong bigyan ng mas epektibong sistema ang CHR, kasama na ang fiscal autonomy.
Paliwanag ni Padilla, kailangang mapalakas ang mandato, kapangayarihan at tungkulin ng CHR at klarong maitatag ang papel nito sa pagtataguyod ng karapatang pantao sa bansa.
Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng “full authority” ang CHR na tumugon motu proprio sa reklamo na may kinalaman sa human rights violations kasama ang kapangyarihang mag-issue ng injunctive reliefs at legal measures.
Itinatakda rin ng panukala na matiyak ang seguridad ng mga saksi at human rights defenders na may banta at ipatupad ang witness protection service.
Bubuo rin ang CHR ng Human Rights Information Campaign program at ng Human Rights Institute (HRI) para sa pagsulong ng karapatang pantao gayundin ng legal assistance program para sa mga mahihirap na human rights violation victims at gagawa ng taunang ulat sa mga monitoring activities nito.
Gayundin ang paggawa ng hakbang para sa pagsulong ng karapatang pantao ng mga Pilipino sa ibayong dagat, sa pakikipagugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at Philippine embassy or consulate officers.| ulat ni Nimfa Asuncion