Sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang urgent bill ang Senate Bill 2221 o ang panukalang Magna Carta for Seafarers.
Binahagi ni Senate Majority leader Joel Villanueva ang Certification of Urgency mula Malakanyang na pinadala sa opisina ni Senate President Juan Miguel Zubiri ngayong araw, September 25.
Base dito, nakasaad na kailangang agad na ipasa ang naturang panukala para matugunan ang mga pagkukulang sa mga batas ng Pilipinas kaugnay ng training at accreditation ng libu-libong Pinoy seafarer na naglalagay sa kanilang employment sa alanganin, lalo na sa European market at sa global arena.
Ginagarantiya rin ng panukalang ito sa international community na ang Pilipinas ay sumusunod sa mga obligasyon na tiyaking ang mga training, pasilidad at equipment natin ay naaayon sa international standards at sa mga kaugnay na conventions.
Sa Senado, naka-pending pa sa ikalawang pagbasa ang panukalang ito habang noong Marso pa ito naaprubahan ng kamara.| ulat ni Nimfa Asuncion