Naiprisinta na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na nagsusulong na mapababa ang retirement age ng mga kawani ng pamahalaan.
Ito ay matapos ma-sponsor ni Senate Committee on Civil Service Chairperson Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang Senate Bill 2444.
Sa ilalim nito ay bibigyan ng opsyon ang mga government employee na magretiro nang mas maaga, sa edad na 56.
Mas mababa ito ng apat na taon mula sa kasalukuyang retirement age na 60 years old.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Revilla na ang panukalang ito ay tugon sa panawagan ng mga civil servant na mabigyan ng pagkakataong mas maagang ma-enjoy ang kanilang retirement.
Giit ng senador, binalanse ng kanyang komite ang kakayahan ng Government Service Insurance System (GSIS) na ma-sustain ang isinusulong na mas maagang retirement age para sa government employees.
Tiniyak rin ng senador, na nagkaroon ng mabusising pag-aaral para sa panukalang ito. | ulat ni Nimfa Asuncion