Maaari nang maiakyat sa plenaryo ng Kamara ang panukalang magtatakda ng archipelagic sea lanes o ASL.
Batay sa House Bill 9034 o Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, bubuo ng sistema ng archipelagic sea lanes kung saan pagdurugtungin ang coordinates ng:
Sea Lane 1- Philippine Sea-Balintang Channel-West Philippine Sea
Sea Lane 2- Celebes Sea-Sibutu Passage-Sulu Sea-Cuyo East Pass-Mindoro Strait-West Philippine Sea
Sea Lane 3- Celebes Sea-Basilan Strait-Sulu Sea-Nasubata S=Channel-Balabac Strait-West Philippine Sea.
Ang Pangulo ang tutukoy sa mga coordinates na gagamitin upang mailatag ang sea lanes para sa maayos at responsableng pagdaan ng mga dayuhang barko sa karagatang sakop ng bansa
Sa ilalim ng panukala, ang mga dayuhang sasakyang pandagat at panghimpapawid ay dapat dumaan ng mabilis at hindi lalayo sa 25 nautical mile sa ruta o lumapit sa isla na malapit sa sea lane.
Mahigpit na ipagbabawal sa mga ito ang paggamit ng dahas o pagbabanta sa soberenya, integridad ng teritoryo o kalayaan ng Pilipinas gayundin ay labagin ang mga panuntunang inilatag ng United Nation.
Hindi rin sila pahihintulutan na magsagawa ng war games o gumamit ng anumang uri ng armas.
Bawal din ang pagpunta o pagdaong sa lupang teritoryo ng Pilipinas maliban na lamang kung mayroong force majeure o panganib.
Pinagbabawalan din ang mga ito na huminto, magpaikot-ikot, o maghulog ng angkla maliban na lamang kung mayroon itong panganib na kinakaharap.
Hindi rin sila maaaring makialam sa sistema ng telekomunikasyon o iligal ma makipag-ugnayan sa mga hindi awtorisadong indibidwal o grupo sa teritoryo ng bansa.
Bawal din ang pangingisda, maritime bioprospecting, at pagsasaliksik sa marine resources ng bansa gayundin ang pagtatapon ng dumi sa marine environment. | ulat ni Kathleen Jean Forbes