Naghain ng panukalang batas si Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo para amyendahan ang Presidential Decree 1341 o ang Polytechnic University charter, para umusad ang modernization ng state university.
Sa ilalim ng House Bill No. 9060 nila Tulfo at ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, nakasaad ang mga kinakailangang amyenda sa PUP charter upang makasabay sa “changing needs of modernize education”.
Ayon kay Tulfo, layon ng hakbang na itaas ang kalidad ng edukasyon at linangin ang academic excellence ng PUP.
Maaalalang may kaparehas itong panukala na inihain naman ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, at Rep. Jude Acidre.
Ayon sa ACT-CIS, kailangan nang i-update ang PD 1341 na itinatag pa noong 1978 upang tugunan ang “evolving educational landscape”.
Diin ni Tulfo, titiyakin ng panukala na manatiling mahalagang institution ang PUP na naghahatid ng mataas na kalidad ng edukasyon, innovation at socio economic development. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes