Pinamamadali na ni Davao City Representative Paolo Duterte ang pagpapasa ng panukala na magbibigay ng rental subsidy sa mga informal settler family (ISF) upang makapagrenta ng mas maayos at disenteng tirahan.
Ayon sa mambabatas, mahalagang maisabatas na ang panukala para mailikas na rin ang mga pamilyang nakatira sa danger zone gayundin ang mga nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad.
“People forced to squat on private property because of poverty, those living in danger areas, and those who lost their homes due to strong typhoons and other calamities or because they have been affected by public infrastructure projects should be given the chance to live in humane, decent conditions while waiting to be transferred to their permanent housing sites,” sabi ni Duterte.
Sa kasalukuyan, pasado na sa House Committee on Housing and Urban Development ang consolidated bill mula sa 18 panukala.
Nakasaad dito na pangungunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pamamahagi ng ₱3,500 rental subsidy para sa mga kwalipikadong ISF sa Metro Manila.
Habang makakatuwang ng ahensya ang National Economic and Development Authority (NEDA) para naman sa rate o halaga para sa mga nakatira sa ibang rehiyon.
Ang pagbibigay ng subsidy ay ihihinto oras na makalipat na sila sa housing project ng gobyerno. | ulat ni Kathleen Jean Forbes