Kinilala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mahalagang papel ng mga reservist sa pagbabantay sa West Philippine Sea (WPS) sa pagdiriwang ng National Reservist Week na may temang “AFP RESERVE FORCE: Moving towards resilient force posture.”
Sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Naval Reserve Commnder MGen. Joseph Cuison na ang mga reservist na nakatira sa mga baybayin ng WPS ang nagbibigay ng impormasyon sa kanila hinggil sa mga ginagawang iligal na aktibidad at pambu-bully ng China sa pinag-aagawang karagatan.
Personal din aniyang nararanasan ng mga reservist na ito ang pangha-harass ng Chinese militia dahil ilan sa mga ito ay lokal na mangingisda.
Pero sa ngayon aniya ay wala pang lubhang pangangailangan na ipatawag sa aktibong serbisyo ang mga reservist para magbantay sa WPS.
Malaking tulong na rin aniya ang monitoring na ginagawa ng mga reservist upang makapagsagawa ng kaukulang aksyon ang mga regular na pwersa. | ulat ni Leo Sarne