Hanggang alas-3 ng hapon lamang ang magiging oras ng pasok ng mga nasa tanggapan ng pamahalaan na nasa ilalim ng Executive Branch.
Kasunod na din ito ng inisyung Memorandum Circular No. 32 ng Office of the President na naglalayong mabigyan ang government workers na nasa ilalim ng Executive Branch upang makapagdiwang kasama ang kanilang pamilya ng Family Week.
Sa ilalim ng Proclamation No. 60 ay idinedeklara ang huling linggo ng Setyembre bilang Family Week.
Kaya pagdating ng alas-3 ng hapon sa Lunes, suspendido na ang pasok sa trabaho ng mga empleyado ng gobyerno na nasa ilalim ng Executive Branch.
Kaugnay nito’y hinihikayat naman ng Malacañang ang mga nasa pribadong sektor at mga independent commissions na makilahok din sa darating na 31st National Family Week.
Ang Memo Circular ay nilagdaan kahapon ni Executive Secretary Lucas Bersamin. | ulat ni Alvin Baltazar