Binigyang diin ng National Security Council (NSC) na pasok sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc, kung saan naglagay ang China ng 300-meter na haba ng boya, na pumipigil sa mga mangingisda na makapasok at magsagawa ng fishing activity sa lugar.
Sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na ang Pilipinas ay mayroong maritime entitlement sa lugar, lalo na ang mga Pilipinong mangingisda.
Nangangahulugan aniya ito, na dapat malaya ang mga Pilipinong mangingisda na makapaghanap-buhay sa lugar.
“Ito pong Bajo de Masinloc ay napakalapit sa Zambales. Ito pong lugar na ito ay within the 200-nautical mile Exclusive Economic Zone ng ating bansa. Bilang parte ng ating EEZ, tayo po ay may karapatan diyan, iyon pong tinatawag na maritime entitlements natin, particularly para po sa ating mga mangingisda at kailangan malaya silang mangisda diyan.” —ADG Malaya
Sinabi pa ng opisyal, na malinaw ang nakasaad sa 2016 arbitral ruling na mayroong karapatan ang bansa sa Bajo de Masinloc o sa Panatag Shoal, ilang siglo na ang nakakalipas.
Maliwanag rin aniya ang itinatakda ng UNLCOS, na mayroong karapatan ang bansa na alisin ang mga boyang ito na inilagay ng China.
“Ibig pong sabihin, kung ang tanong po ay may karapatan ba tayong tanggalin iyong inilagay na barrier, mayroon po. Maliwanag po ang UNCLOS diyan, at may karapatan ang ating bansa na tanggalin iyang inilagay ng Chinese Coast Guard.” —ADG Malaya. | ulat ni Racquel Bayan