Aminado ang DOST na kulang ang monitoring stations ng ahensya pagdating sa mga natural hazard gaya na lamang ng lindol.
Ayon kay PHIVOLCS Dir. Teresito Bacolcol, nasa 123 lang ang seismic stations ng bansa—malayo sa ideal na bilang na 300.
Sa volcano monitoring equipment naman, sa 24 na aktibong bulkan sa bansa, 10 lang ang namo-monitor ng ahensya at sa bilang na ito, dalawa lang ang mayroong kumpletong aparato.
Malayo sa target na 15 na sana ay mayroong basic at kumpleto na monitoring equipment.
Ayon kay Bacolcol, humingi sila ng ₱982 milyong pondo para sa kanilang PHIVOLCS modernization ngunit ₱729 milyon lang ang ibinigay sa 2024 National Expenditure Program.
Para naman maisakatuparan ang lahat ng pagkumpleto at modernisasyon sa kanilang kagamitan mangangailangan ng ₱7 bilyon ang PHIVOLCS.
Pinasusumite naman ni Appropriations Vice-Chair Stella Quimbo ang PHIVOLCS ng kanilang ‘wishlist’ para mga kagamitan at equipment na kakailanganin. | ulat ni Kathleen Jean Forbes