Aminado si Health Sec. Ted Herbosa na kailangan pang palakasin ng bansa ang programang pangkalusugan nito.
Sa budget briefing ng Department of Health, napuri ni Baguio Rep. Mark Go ang hangarin ng ahensya na gawin ang Pilipinas bilang isa sa pinakamalusog na bansa sa Asya sa 2040.
Ngunit nang tanungin ng mambabatas kung ano na ba ang estado ng health sector ng bansa kung ikukumpara sa mga kalapit na bansa sa ASEAN, inamin ni Herbosa na nauungusan na tayo ng Thailand, Vietnam at Indonesia.
Aniya, kung ang ating economic status ay nasa middle income country ang ating health sector ay nananatiling “flat” mula sa low middle income.
“We are now classified as a middle income country, and by 2040 we’ll probably be labeled a high middle income country. But our health statistics has remained flat from low middle income.” ani Herbosa.
Ipinunto nito na kumpara sa ibang mga bansa sa ASEAN na napababa na ang “infant mortality” ang Pilipinas ay “steady” lamang.
Ganito rin aniya ang sitwasyon sa “maternal mortality”.
“…our ASEAN neighbors…Yung infant mortality natin steady lang. Yung sa kanila talagang bumaba na, napababa na nila with their efforts. Yung maternal mortality ganun din. Tayo medyo steady, bumababa naman, napapababa naman natin, but our neighbors are overtaking us. So parang medyo nahihiya ako bilang Pilipino na yung ating mga Thai and Vietnamese and Indonesian neighbors are overtaking us in parameters for health.” sabi pa ng kalihim.
Kaya aniya mahalaga na magpursige na mapantayan ng maayos at magandang lagay ng kalusugan ang maunlad nating ekonomiya.
“So very important na mag-pursige pa tayo based on our level of economy. Kasi nga ine-expect tayo ng ibang bansa na maganda ekonomiya natin, dapit healthy din yung ating mga populasyon… We really need to do para gumanda parin ang ating health index.” diin ni Herbosa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes