Tinatapos na ng pamahalaan ang report tungkol sa mga hinihinging aksyon ng Financial Action Task Force (FATF) para maalis na ang bansa sa ‘Gray List’.
Ito’y matapos matanong sa budget deliberation ng Department of Justice (DOJ) kung bakit sa kabila ng Anti-Terrorism Law ay hindi pa rin naaalis ang Pilipinas sa ‘Gray List’ ng FATF.
Ayon kay Appropriations Vice-Chair Ruwel Gonzaga, sponsor ng pondo ng DOJ, mayroong hanggang Nobyembre ang Pilipinas para makatalima sa inilatag na requirement ng FATF.
Kabilang aniya dito ang mas maraming prosecution laban sa Anti-Money Laundering activities at terrorism financing, registration ng covert persons na isinailalim sa training at rehistrado sa Anti-Money Laundering Council, mekanismo sa pagbabantay ng bulk cash transfer sa cross-border areas at mahigpit na pagpapatupad ng money laundering laws sa casino.
Taong 2021 nang mapabilang ang Pilipinas sa ‘Jurisdictions under Increased Monitoring’ o Grey List dahil sa naturang mga isyu.
Sa kasalukuyang ay tinatapos na aniya ang report kaugnay sa mga ginawang hakbang ng bansa para maalis sa naturang listahan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes