Kasalukuyang sumasailalim sa assessment ng International Maritime Organization ang maritime industry ng bansa.
Ito ang kinumpirma ni Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Hernan Fabia sa budget briefing ng Department of Transportation.
Aniya, nagsasagawa ng evaluation ang IMO sa bansa para mapasama pa rin ang Pilipinas sa tinatawag na ‘white list’ countries.
Ito aniya ang mga bansa na nakasunod sa isinasaad ng Standards of Training, Certification, and Watchkeeping for Seafarers Convention.
Kung malalaglag ang Pilipinas, 179 na bansa ang hindi na kikilalanin ang certificate na ibinibigay ng Pilipinas sa ating mga marino.
Kumpiyansa naman aniya sila na makakapasa dito ang Pilipinas.
Matatandaan na kamakailan ay pinalawig ng European Commission ang pagkilala sa seafarer certificate ng Pilipinas ng hanggang sampung taon.
Kada limang taon ani Fabia ay magsasagawa ng inspection ang EU Commision kung nakakasunod pa rin ang bansa sa standards.
Maliban dito magbibigay din aniya ang European Commission ng technical support sa Pilipinas simula sa ikalawang quarter ng 2024 para sa pagpapabuti ng ating maritime industry. | ulat ni Kathleen Jean Forbes