Lumobo na sa mahigit 1.3 bilyong piso ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura ng bagyong Goring at Hanna sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Mahigit 727 milyong piso ang pinsala sa 37 imprastraktura sa Ilocos Region, Cagayan Valley, MIMAROPA, Western Visayas at Cordillera Administrative Region (CAR).
Habang 1,378 kabahayan ang napinsala ng bagyo, kung saan 240 ang totally damaged at 1,138 ang partially damaged.
Umabot naman sa mahigit 623 milyong piso ang pinsala sa agrikultura sa Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Western Visayas at CAR.
Naapektuhan ng bagyo ang 17,801 magsasaka at mangingisda sa mga nabanggit na rehiyon. | ulat ni Leo Sarne