Pumalo na sa P379.58 million ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura sa ilang rehiyon sa bansa na sinalanta ni bagyong Goring at habagat.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, nasa P143.28 million ang pinsala sa mga national road, P13.44 million sa mga tulay, at P222.85 million sa flood control structures.
Lahat ng ito ay matatagpuan sa Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1 at 2.
Hanggang kahapon, ilan sa mga national road ang hindi pa rin madaanan ng mga motorista dahil sa pagkasira at landslide, kabilang dito ang mga sumusunod:
1) Abra-Ilocos Norte Road, San Gregorio, La Paz, Abra;
2) Kennon Road, Camp One, T uba, Benguet;
3) Claveria-Calanasan-Kabugao Road, sections sa Brgy. Namaltugan at Brgy. Ninoy, Calanasan, Apayao;
4) Dantay Sagada Road, Brgy. Antadao, Sagada, Mt. Province;
5) bahagi ng Ilocos Norte -Apayao Road,sa Ilocos Norte;
6) Roxas Bridge, Vigan-San Vicente Road sa Ilocos Sur.
Ayon sa DPWH, may 24 kalsada ang binuksan ng DPWH Quick Response Teams habang patuloy pa ang isinasagawang clearing operations.
Samantala, pinapayuhan din ang mga motorista na iwasan ang dalawang kalsada na isang lane lamang ang passable sa light vehicles sa Ilocos Sur at Batangas:
Ito ay ang Vigan Bridge 1 at 2 sa kahabaan ng Bantay-Vigan Road sa Brgy. 1, Vigan City, Ilocos Sur, at ang Nasugbu-Lian-Calatagan Road, Brgy. Puting Kahoy sa Lian, Batangas. | ulat ni Rey Ferrer