Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na bumuo ng ‘catch-up plan’ para sa mas mabilis na paggastos ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ng kanilang mga alokasyon sa national budget para mapalakas ang ekonomiya ng bansa.
Ang mungkahing ito ng senador ay kasunod ng naitalang mabagal na 4.3 percent economic growth ng bansa dahil sa underspending ng pamahalaan.
Giit ni Gatchalian, kayang-kayang gawan ng paraan ang pagbagal ng economic growth kung underspending ang dahilan dahil ang paggasta ay isang bagay na maaaring makontrol.
Una nang sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na mayroon nang inilabas na circular ang DBM na nag-uutos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na magsumite hanggang September 15 ng kanilang plano para maabot ang kani-kanilang financial target para sa taong ito.
Pinahayag na rin ng kalihim na itinutulak na rin nilang mas mapabilis ang paggastos ng mga ahensya ng gobyerno dahil ito ay nakakaapekto sa buong ekonomiya ng bansa.
Dagdag ring napansin ng senador ang pagkakaantala sa mga pagbabayad na dapat gawin ng gobyerno, kabilang na ang pagbabayad para sa State Universities and Colleges. | ulat ni Nimfa Asuncion