Ikinatuwa ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang plano ng Caloocan City government na bigyan ng libreng renta sa stalls ang micro rice retailers na malulugi sa kanilang negosyo dahil sa ipinatutupad na price ceiling sa bigas.
Ayon sa kalihim, bukod sa Caloocan City, nauna nang naghayag ng tulong ang ilang LGU para sa rice retailers tulad ng Mandaluyong local government.
Bago ito, naglabas ng Circular ang DILG na humihikayat sa mga LGU na gumawa ng mga hakbang para sa rice retailers na maaapektuhan ng kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Dito aniya nakikita ang pagtutulungan ng national hanggang sa lokal na pamahalaan. Lahat ay gumagalaw para sa kapakanan ng mamamayan.
Apat na araw pa lang mula nang ipatupad ang EO 39 ay nakita na ang sinseridad ng Pangulo para tulungan ang mga negosyante ng bigas.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy na ang pamamahagi ng P15,000 cash aid para sa mga benepisyaryo.
Ayon sa DSWD, Kabuuang 136 na micro rice retailers mula sa Maypajo Market ang makatatanggap ng tulong pinansiyal sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program – Cash Assistance ng DSWD. | ulat ni Rey Ferrer