Hiniling ni Nueva Ecija Representative Ria Vergara sa pamahalaan na pag-isipang mabuti ang panukalang ibaba sa 10% ang taripa na ipinapataw sa imported na bigas.
Aniya, maliban sa maaari itong makaapekto sa pampondo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), ay posibleng mauwi ito sa mas mababang farm gate price ng lokal na bigas.
Paliwanag ng lady solon, sa pagpapababa ng taripa, ay hindi malayong bumaha ng imported na bigas sa bansa—bagay na pinangangambahan aniya ng mga magsasaka dahil sa pagsisimula ng panahon ng anihan.
Bagamat mapapababa aniya ng hakbang na ito ang presyo ng bigas, mapipilitan naman aniya ang ating mga magsasaka na ibenta sa paluging presyo ang aning palay.
Punto pa ng kinatawan, ang mga rice traders lang ang makikinabang dito.
Kaya pinakamainam pa rin aniyang tugon ay tutukan ang mga sanhi ng pagtaas sa presyo ng bigas gaya na lamang ng profiteers, smugglers, at hoarders. | ulat ni Kathleen Jean Forbes