PNP, handang tumulong sa NBI para palakasin ang case build-up laban sa lider ng isang kulto sa Surigao del Norte

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nilang tumulong sa imbestigsyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ito’y para palakasin ang kaso laban sa isang Jey Rence alyas Senior Agila na lider ng kultong tinawag na “Omega de Saloner” na dating kilala bilang Socorro Bayanihan Services, Inc.

Ayon kay PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr, nakausap na niya ang Provincial Director maging ang hepe ng bayan ng Socorro na siya namang nakasasakop sa lugar ng naturang kulto.

Nakikipagtulungan naman aniya ang lokal na PNP sa NBI sa pangangalap ng ebidensya laban kay Rence o Senior Agila na sinasabing armado at may koneksyon sa kalakalan ng iligal na droga.

Una nang ibinunyag ni Senador Risa Hontiveros sa kaniyang privileged speech sa Senado kamakalawa na aabot sa mahigit 3,000 ang sinasabing kaanib ng naturang kulto kung saan, mahigit 1,000 rito ay pawang mga menor de edad.

Dumulog aniya sa kaniya ang mga biktima dahil na rin sa takot kay Senior Agila na kilala anilang maimpluwensya at tila hawak din umano nito sa leeg ang Pulisya.

Gayunman, binigyang diin ng PNP chief na walang sinuman ang maaaring humiwalay sa sistema at handa silang labanan ito dahil iisa lamang ang estadong kinabibilangan ng lahat ng Pilipino.  | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us