Hinikayat ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang mga kasamahang mambabatas na dagdagan ang pondo ng Philippine National Police o PNP para pambili ng body worn cameras.
Sa pagsalang ng panukalang 2024 budget ng DILG sa plenaryo, sinabi ni Paduano na kailangang pondohan pa ang body worn cameras upang mapigilan ang anumang posibleng paglabag ng mga pulis na idinedeploy sa mga operasyon.
Punto ni Paduano, karamihan sa mga kasong iniimbestigahan ng Kamara, lumalabas na kung walang CCTV cameras ay hindi matutukoy ang mga scalawag na mga pulis.
Sa ilalim ng panukalang 2024 budget, nasa P66 million ang alokasyon para sa pagbili ng higit 2,000 na body worn cameras kung saan kada unit ay nagkakahalaga ng P33,000.
Nasa 2,756 pa lang ang body worn cameras ng PNP malayo sa 45,000 na kinakailangan ng pulisya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes