Nagkaroon ng 21 porsyentong pagbaba sa presyo ng bigas sa world market kasunod ng inilabas na Executive Order 39 na nag-aatas ng price ceiling sa bigas sa bansa.
Tinukoy ni Speaker Martin Romualdez ang ulat ng US-based Markets Insider na bumaba ang presyo ng bigas sa world market mula sa $384 US dollars kada metric tons noong Hulyo sa $332.4 US dollars ngayong buwan.
Dahil sa ipinatupad na price cap ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nagkaroon ng mass cancellation ng imported na bigas ang mga importer at trader na siyang nagresulta sa pagbaba sa presyuhan sa world market.
“It is proven that the EO-39 of President (Ferdinand) Bongbong R. Marcos Jr. set commendable results not only in our country, (but in the world as well). We are hoping na magtuloy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng bigas. Siguro nung kinansel na nila (importers and traders) ang mga orders, biglang dumami tuloy ang stock sa abroad ng bigas,” sabi ni Romualdez.
Bunsod nito, napatunayan na artipisyal lang talaga ang pagsirit sa presyo ng bigas dahil sa itinatago ang suplay sa mga bodega.
Sinegundahan ito ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, at sinabi na kaya rin tumaas ang presyo ng bigas sa pandaigdigan merkado bago nagpatupad ng price cap ay dahil sa napakalaking bilang ng bigas na inaangkat natin.
Kaya aniya ang paglalagay ng price cap ng Malacañang sa bigas ay nagpapakita na hindi katanggap-tanggap sa atin ang mga artificial na pagtaas ng presyo ng bigas sa world market. | ulat ni Kathleen Jean Forbes