Ipinanawagan ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte na mabigyan ng karampatang proteksyon ang mga guro na magsisilbi sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections sa susunod na buwan.
Binigyang diin ng Pangalawang Pangulo ang mahalagang papel ng mga guro sa pagdaraos ng halalan kaya’t kailangang matiyak na ligtas ang mga ito mula sa harassment, intimidation at iba pang uri ng banta.
Ginawa ni VP Sara ang pahayag nang lumagda siya ng isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Department of Education o DepEd, Commission on Elections o COMELEC at Public Attorney’s Office o PAO.
Ang Memorandum of Agreement na ito ani VP Sara ay magbibigay ng sistema upang tiyaking makatatanggap ng tulong ligal ang mga guro at iba pang tauhan ng DepEd na magsisilbing miyembro ng Electoral Board.
Naka-angkla naman ito upang tuluyang maipatupad ang mga probisyon ng Republic Act 10756 o ang Election Service Reform Act. | ulat ni Jaymark Dagala