Nagpulong sa isang executive session ngayong araw ang mga senador na miyembro ng Congressional Oversight Committee on Confidential and Intelligence Funds (CIF).
Pinamumunuan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kumite habang miyembro naman sina Senate Majority leader Joel Villanueva, Committee on Finance chairman Sonny Angara, Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Senate Minority leader Koko Pimentel.
Bagamat hindi miyembro ng kumite ay dumalo rin sa meeting ng oversight committee sina Senadora Risa Hontiveros at Senador Raffy Tulfo.
Ayon kay Zubiri, lahat naman ng mga ahensya ng gobyerno na nabigyan ng confidential at intelligence funds ay nakapagsumite na ng report ng kanilang paggamit ng pondo mula taong 2022- 2023.
Sinabi ng Senate leader na ang resulta ng kanilang rebyu ang magiging basehan kung bibigyan, dadagdagan, babawasan o aalisin ang CIF ng isang ahensya ng gobyerno.
Nasa 27 na mga ahensya ng gobyerno ang may CIF.
Kung sakali aniya ay posibleng maraming mga civilian government agencies ang mawalan ng confidential fund pero hindi pa ito maibahagi ni Zubiri.
Sa unang araw ng meeting ng oversight committee ay nasilip na aniya nila ang CIF ng Office of the President (OP) at Office of the Vice President (OVP).
Binahagi ni Zubiri na target nilang matapos ang rebyu ng CIF ng iba’t ibang government agencies bago isalang sa plenaryo ng Senado ang panukalang 2024 National Budget.| ulat ni Nimfa Asuncion