Regional Most Wanted Person ng Bicol, boluntaryong sumuko sa Catanduanes

Facebook
Twitter
LinkedIn

Boluntaryong sumuko ang isang lalaking nahaharap sa kasong sexual abuse at itinuturing na Regional Most Wanted Person ng Bicol sa Viga Municipal Police Station sa lalawigan ng Catanduanes kaninang alas-10 ng umaga, Setyembre 12.

Ang suspek ay kinilala sa alyas na Pepe, 52 anyos, may asawa, walang permanenteng trabaho at residente ng bayan ng Viga, Catanduanes.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay PCapt. Carlo Lita, Chief of Police ng Viga MPS, kinumpirma nito na boluntaryong isinuko ng suspek ang kaniyang sarili at kasamang nagtungo sa istasyon ng pulis ang opisyal ng kanilang barangay, makaraang ilabas ang warrant of arrest laban dito noong Agosto 24, 2023.

Ang suspek ay may kaso umanong paglabag sa RA 7610 o 5 counts ng Sexual Abuse na walang inirekomendang piyansa at umano’y paglabag sa Revised Penal Code Art 256 o Intentional Abortion na may rekomendadong piyansa na P36,000.

Ayon kay PCapt. Lita, sumuko ang suspek at sinabing handa siyang harapin ang mga kasong inihain laban sa kanya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Viga MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon.| ulat ni Juriz Dela Rosa| RP1 Albay

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us