Nakakuha na ng sapat na suporta si Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gatchalian, para sa panawagan nitong paalisin na sa Pilipinas ang Philippine Offshore Gaming operators (POGOs), para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Pilipinas.
Ito ay matapos na makakuha ng sapat na pirma ang committee report ni Gatchalian tungkol sa isyu, kung saan 10 senador na miyembro ng komite ang pumirma sa committee report 136.
Matatandaan nitong Marso unang nilabas ni Gatchalian ang kanyang chairman’s report, na naninindigang anumang kita na nakukuha sa POGO industry ay hindi katumbas ng napakalaking ginugugol ng gobyerno sa paglaban sa mga krimen na nauugnay sa mga POGO, kaya dapat na silang paalisin sa bansa
Sa ilalim rin ng committee report, hinihimok ang Department of Labor and employment (DOLE) na maghanap ng alternatibong trabaho para sa mga Pilipino na empleyado ng mga POGO.
Maaari aniya silang ilipat sa industriya ng Information Technology Business Process Outsourcing (IT-BPOs) at manufacturing sa pamamagitan ng wastong koordinasyon.
Hinihimok din ng committee report ang Bureau of Immigration (BI), na kanselahin at bawiin ang mga working visa na ibinibigay sa mga dayuhang nagtatrabaho sa kumpanya ng POGO, at ipatupad ang kanilang deportasyon alinsunod sa mga patakaran at regulasyon ng ahensya.
Batay sa ulat ng PNP, umabot na sa 4,355 ang kabuuang bilang ng mga biktima ng POGO-related crimes na may kabuuang 903 perpetrators mula Enero 2017 hanggang Hunyo 30 ng taong ito.
Kabilang sa mga krimeng nagawa sa mga insidenteng naitala ay human trafficking, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, theft, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, at iba pa.
Pinunto rin ni Gatchalian, na ginagamit ng mga kawatan ang POGO para makapagsagawa ng mga krimen gaya ng crypto-currency scam at love scam. | ulat ni Nimfa Asuncion