Nakatakdang ilabas ng Maharlika Investment Corporation o MIC ang kanilang rekomendasyon para sa anim na bakanteng position ng MIC Board of Directors.
Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, ang rekomendasyon ay isusumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Biyernes, September 29.
Ang advisory body na binubuo ng kalihim ng Department of Budget and Management, NEDA, at National Treasurer ang magbibigay ng shortlist sa Pangulo para sa posisyon ng president, CEO, dalawang regular directors at tatlong independent directors.
Ang anim na posisyon ay siyang bubuo ng nine-member MIC board base sa nakasaad sa implementing rules and regulations ng MIF law at maari na itong mag-convene kapag naka-limang miyembro na ito at nag-assume na sa puwesto.
Sa ngayon, tumatanggap pa ng nominasyon ang MIC para sa mga naturang posisyon hanggang Miyerkules, September 27.
Kabilang sa miyembro ng MIC Board ang Finance Secretary bilang ex-officio chairperson at ang president ng Landbank of the Philippines at Development bank of the Philippines. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes