Rep. Tulfo, inalmahan ang pahayag ng China na Pilipinas ang nanghihimasok sa Scarborough Shoal

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inalmahan ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang pahayag ng China na Pilipinas ang nanggugulo sa Scarborough Shoal, dahil sa ginawang pag-alis ng Philippine Coast Guard (PCG) sa inilagay nilang floating barrier sa Bajo de Masinloc.

Ayon kay Tulfo, walang karapatan ang China na pagsabihan tayo na ‘umayos’ sa ating sariling teritoryo.

“Wala silang karapatan na pagsabihan tayong umayos sa sarili nating teritoryo. Kahit ano pa ang itawag nila sa Bajo de Masinloc sa Zambales sa Pilipinas pa rin ito. ‘Yan ang malinaw dito,” giit ni Tulfo.

Pinuri pa ni Tulfo ang ginawa ng Coast Guard na pag-alis sa floating barrier, para ipamukha sa China na iginigiit natin ang ating karapatan sa lugar.

Katunayan bilang suporta sa pagpapalakas ng mga ahensya na nagbabantay sa West Philippine Sea (WPS), nagdesisyon ang House leadership na ilipat ang Confidential at Intelligence Funds (CIF) ng civilian agencies sa Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, National Security Agency, at National Intelligence Coordinating Agency.

Kasabay nito, sinabi rin ng ACT-CIS solon na napapanahon na talaga na ilapit na ang problema sa United Nations (UN) at sa mga kaibigan nating malalaking bansa, para tulungan tayo na magpatrolya sa naturang lugar gaya na lamang ng Estados Unidos, Japan at iba pa.

“I am sure tutulungan tayo ng international community kung sakaling giyerahin tayo ng China. It’s time we physically assert what is ours dahil wala namang nangyayari sa puro protest”, dagdag pa ni Tulfo. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us