Nanawagan ngayon si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Bureau of Fire Protection (BFP) na magkasa ng reporma sa BFP-Quezon City Fire District (BFP-QCFD).
Kasunod ito ng resulta sa pagsisiyasat ng City government at City Council kung saan nakitaan ng ilang lapses ang BFP-QCFD gaya ng lax inspection, at backlog sa pagsusuri sa ilang mga negosyo sa lungsod.
Ayon sa alkalde, dapat siyasatin ng BFP kung nagagampanan ba ng QCFD ang mandato nito lalo’t sunod-sunod ang mga naging trahedya ng sunog kamakailan sa lungsod.
“The BFP should look into how the BFP-QCFD fulfilled its mandate in the light of tragic loss of lives and properties due to recent fires in the city. Were the BFP-QCFD leadership remiss in their duties? They should hold their personnel accountable if proven guilty of inefficiency,” ani Belmonte.
Una nang hinirit ng alkalde ang pag-relieve sa dalawang opisyal ng BFP-QCFD matapos ang umano’y kapalpakan ng ahensya na maaaring isa rin sa rason kung bakit marami ang nasawi sa sunog noong August 31 sa Tandang Sora.
Lumalabas din sa evaluation ng city government na mas malaki ang pinsala at mga naitalang nasawi sa mga nagaganap na fire incident ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.
Sa datos mula sa BFP, mula Enero hanggang nitong Agosto ng 2023, umabot na sa 153 sunog ang naitala sa lungsod kung saan walong bumbero at 63 sibilyan ang naiulat na sugatan, na mas mataas kumpara sa naitalang injured noong nakaraang taon na dalawang bumbero at 60 sibilyan.
Bukod dito, mayroon ding 24 ang nasawi sa mga sunog ngayong taon habang aabot na rin sa 8,362 indibidwal o 2,380 pamilya ang naapektuhan, mas mataas rin kumpara sa naitala noong nakaraang taon na hindi pa umabot sa 8,000 indibidwal.
“For this reason and to protect the people of Quezon City, I am calling upon the national leadership of the Bureau of Fire Protection to assign to us a new fire marshall for the QCFD and a new inspection head,” panawagan ni Belmonte. | ulat ni Merry Ann Bastasa