Nagpahayag ng interes ang Republic of Korea upang tumulong sa Pilipinas na labanan ang epektong dulot ng climate change at iba pang usapin.
Ito ang inihayag ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte makaraang makipagpulong ito kay Korean Prime Minister Han Duck-soo.
Ayon kay VP Sara, maliban sa pagharap sa climate change, nais ding tumulong ng Korea sa development at digital divide issues.
Samantala, iniulat din ng Pangalawang Pangulo na kinikilala ng Korean Prime Minister ang mahalagang papel ng mga Pilipino sa kasaysayan ng kanilang bansa lalo na noong Korean War.
Kasalukuyang nasa Korea si VP Sara bilang tagapagsalita sa Global Education Innovation Summit 2023 bilang Kalihim ng Department of Education o DepEd.
Kasama rin ng Pangalawang Pangulo sa kaniyang pagbiyahe ang Grade 4 student mula sa Danao City, Cebu na si “Kester” bilang kalahok sa special project ng Office of the Vice President na “You Can Be VP”.
Layon nito na bigyan ng pagkakataon ang kabataang Pilipino na personal na makita ang mga gawain ng Pangalawang Pangulo ng bansa. | ulat ni Jaymark Dagala