Nagsimula nang makatanggap ng ayuda mula sa gobyerno ang unang batch ng rice retailers sa Catanduanes na tumatalima sa inilabas na Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Isinagawa ang payout ngayong hapon, Setyembre 14 sa Virac Plaza Rizal, sa pangunguna ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Trade and Indsutry (DTI).
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Mr. Jomar Valenzuela, Project Development Officer II ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD Bicol, sinabi nitong 28 rice retailers ang nabigyan na ng P15,000 cash assistance sa lalawigan.
Batay sa tala, nagmula ang mga benepisyaryong ito sa mga bayan ng Virac, San Andres, Caramoran, Bato, Viga, Panganiban at Bagamanoc.
Bukas naman magpapatuloy ang payout sa DSWD Provincial Office para sa iba pang mga benepisyaryong kabilang sa unang batch subalit hindi nakadalo sa aktibidad ngayong araw.
Aabot aniya sa mahigit kalahating milyong pisong pondo ang inilaan ng DSWD para sa payout na ito sa Catanduanes. | via Juriz Dela Rosa | RP Virac