Pinawi ng Department of Interior and Local Government ang pangamba ng ilang mga rice retailer na natatakot magbukas ng tindahan dahil hirap makasunod sa EO 39 o ang mandated price ceiling sa regular at well-milled rice.
Ngayong umaga, pinangunahan nina DILG Sec. Benhur Abalos Jr., DTI Asec. Agaton Uvero, MMDA Chair Romando Artes, MMC Head at San Juan Mayor Francis Zamora at QC Mayor Joy Belmonte ang market monitoring sa Nepa Q Mart para silipin kung may nagbebenta ng murang bigas sa naturang palengke.
Dito, mayroong available na P45 kada kilong bigas na pinipilahan ng mga mamimili. Ayon kay DILG Sec. Abalos, walang dapat ikatakot ang mga retailer dahil information drive ang paiiralin at walang huhulihin o kakasuhan sa unang araw ng implementasyon ng EO.
Hinikayat nito ang mga retailer na magbukas dahil nagsisimula nang mangalap ang DTI ng listahan ng mga retailer na apektado ng EO at dapat na bigyan ng tulong ng pamahalaan.
Sa panig ni QC Mayor Joy Belmonte, tiniyak din nito ang tulong para sa mga maapektuhang retailer sa lungsod. Maglalaan din aniya ang pamahalaang lungsod ng hiwalay na ayuda para sa mga retailer na karagdagan pa sa ibibigay ng national government.
Kasunod nito, binigyang linaw ng DILG na pansamantala lang ang pagpapatupad ng EO. Kaakibat rin nito ang tuloy-tuloy na operasyon ng pamahalaan laban sa mga nananamantalang trader. | ulat ni Merry Ann Bastasa