Inilunsad ng Department of Trade and Industry-Albay ang Saod Albay-ANI Trade Fair bilang suporta sa kanilang mga tinutulungang agrarian reform communities ng probinsya sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Sa pahayag ni DTI Region V Bicol Regional Director Dindo Nabol ang trade fair ay isang pagkakataon para subukin ang marketability ng mga produkto.
Matatandaan na nagsilbing tulay din ang tanggapan nitong nakaraan buwan nang magsagawa sila ng financing forum na may layunin bigyan ng access ang ARBs sa mga financing institution na makakatulong sa kanilang pangangailangang pondo para sa negosyo.
Ani RD Nabol, ang pagsasagawa ng trade fair ang syang kumukumpleto sa cycle ng suporta at pag alalay na laan ng DTI sa ARBs, na nagsimula sa product development at sinundan ng pagbibigay access sa tulong pinansyal.
Aniya, may 20 na Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) ang lumahok sa Albay-ANI. Handog nila ang iba’t ibang agricultural products at maging processed na mga produkto na na ibinibenta sa murang halaga.
Ang Saod Albay-ANI Trade Fair ay magtatagal hanggang sa darating na Sabado, Setyembre 23 sa Ayala Malls Legazpi City. | ulat ni Twinkle Neptuno | RP1 Albay