Tiniyak ng National Economic and Development Authority o NEDA na palalakasin ng pamahalaan ang mga hakbang upang matamo ang sapat na suplay ng pagkain gayundin ang tulong sa mga magsasaka sa bansa.
Inihayag ito ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan makaraang magtala ang Pilipinas ng 5.3 percent inflation rate nitong Agosto mula sa 4.7 percent noong buwan ng Hulyo.
Sinabi ni Balisacan na sa kabila ng mga kinahaharap na hamon ng bansa kasunod ng masamang panahon at limitasyon sa kalakalan, hindi tumitigil ang pamahalaan upang matamo ang dalawan hanggang apat na porsyentong inflation rate sa pagtatapos ng taon.
Ani Balisacan, mahalaga ang pagkakaroon ng komprehensibong tulong sa mga magsasaka upang mapataas ang produksyon sa kanilang mga tanim upang maibsan ang epektong dulot ng El Niño na tatagal hanggang sa unang bahagi ng 2024.
Kailangan aniyang dagdagan pa ng Department of Agriculture gayundin ng National Food Authority ang binibigay na tulong nito sa mga magsasaka sa kanilang pag-aani at pagpapatuyo ng palay.
Inirekomenda naman ng NEDA ang mas mabilis na pagpapatupad ng programa na makatutulong sa pagbangon muli ng mga sinalanta ng kalamidad. | ulat ni Jaymark Dagala