Mariing pinabulaanan at kinondena ng Korte Suprema ang kumakalat na impormasyon sa social media na artificial intelligence (AI) diumano ang gagamitin sa sorting at checking ng Bar examinations ngayong taon.
Sa advisory na inilabas ng Office of the 2023 Bar Chair ng Supreme Court (SC), dalawang Facebook group page ang nakapukaw ng kanilang atensyon na nagsasabing AI daw ang susuri ng Bar Examinations.
Kinilala ang nasabing accounts bilang Bar Law for Dummies Training Program Facebook group page at isang Tzidkenu Dizon Facebook account.
Ayon sa SC, ang naturang mga posts ay peke, walang basehan, at may intensyong tanggalan ng integridad ang isinasagawang digitalized Bar Exams.
Kaya naman himok ng Korte Suprema sa mga stakeholder na umasa lamang sa opisyal na mga communication channel ng Korte.
Dagdag pa ng SC, dadaan ang 2023 bar examinations sa apat na examiners kada subject, na expert sa kanya-kanyang fields, at wala sinuman at sa kahit anong paraan ay gawa o pinapatakbo ng AI.
Sa ngayon, ayon sa initial na imbestigasyon ng Office of the 2023 Bar Chair, kinilala nito ang administrator sa nasabing accounts habang kumikilos na rin ang korte para sa legal na mga hakbang laban sa nasa likod ng mga Facebook group at account kasama na rin ang tulong mula National Bureau of Investigation (NBI). | ulat ni EJ Lazaro