Nananatili ang posisyon ni Defense Sec. Gibo Teodoro na hindi dapat magbago ang natatanggap na benepisyo ng mga retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines.
Sa pagharap sa House Committee on Appropriations, nagpasalamat ito sa mga mambabatas sa pagpabor sa kanilang proposal na mapanatili ang kasalukuyang porma ng Military and Uniformed Personnel pension system.
Para sa kalihim, hindi na dapat isama ang mga retirado at pensyonadong miyembro ng AFP sa isinusulong na pension reform bill, dahil sa pumasok aniya sila sa serbisyo na inaasahang buo ang benepisyo at pensyon na makukuha.
Wala naman aniya silang pagtutol sa pagpapataw ng contribution rate sa new entrants o yung mga papasok pa lang sa serbisyo.
Aniya, ang new entrants ay magbabayad ng kontribusyon sa AFP Retirement Trust Fund.
Kasama sa naturang trust fund ang real estate assets ng AFP at allied agency pati na ang retirement and separation benefits system assets.
Panukala rin aniya nila na magkaroon ng trust custodian at hiwalay na fund manager gaya ng sa PERA Law upang matiyak na walang magiging conflict of interest sa pamamahala ng naturang trust fund. | ulat ni Kathleen Jean Forbes