Dumalo si COMELEC Chairman Atty. George Erwin Garcia sa isinagawang 2nd Regional Joint Security Control Center Command Conference sa Butuan City kahapon para personal na malaman ang sitwasyon sa Caraga Region ngayong nalalapit na ang BSKE o Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Bukod sa isyung pag-seguridad, inalam din ni Garcia kung ano ang mga posibleng magiging problema sa darating na halalan, kung maayos ba ang delivery ng mga election paraphernalia, at kinumusta rin ang ipinapatupad na kampanya laban sa premature campaigning at vote buying.
Kasabay ng command conference ay inactivate ang Regional Committee on Kontra-Bigay para sa mahigpit na kampanya laban sa vote-buying.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas – Butuan kay Garcia, ipinagmalaki nito na 95% nang handa ang mga taohan ng Comelec para sa BSKE 2023.
Wala rin aniyang dapat ipag-alala ang mga taga Caraga Region dahil batay sa ulat ng Regional Police Office 13 ay walang naitalang Comelec gun ban violation at wala ring election-related crime incident.
Sa ngayon ay nasa green code ang kategorya ng buong Caraga, ibig sabihin generally peaceful ang rehiyon. | via May Diez | RP1 Butuan