Bukas si Senate Minority leader Koko Pimentel sa mga panukala na suspendihin ang excise tax sa mga inaangkat na produktong petrolyo bilang agarang solusyon sa tumataas na presyo ng krudo sa bansa.
Labing isang magkakasunod na linggo nang tumataas ang presyo ng diesel at kerosene, kung saan umabot na sa P17 .30 kada litro na ang itinaas ng presyo ng diesel habang P15.95 per liter naman na ang itinaas ng kerosene.
Habang ang gasolina naman ay sampung sunod-sunod na linggo nang tumataas ang presyo na umabot na sa P11.85 per liter.
Ayon kay Pimentel, ang pagsuspinde sa excise tax ay makakapagbigay ng pansamantalang ginahawa at magsisilbing ‘lifeboat’ para sa mga Pilipino na nahihirapang makaagapay at nalulunod na sa mataas na presyo ng langis.
Ginawa ni Pimentel ang pahayag lalo na para aniya sa mga public utility driver, commuter at mga negosyante.
Umaasa ang minority leader na mauunawaan ng gobyerno kung gaano ka seryoso ang sitwasyon at na kailangan na itong tugunan sa lalong madaling panahon.
Iginiit ng senador na kung hindi matutugunan agad ang pagtaas ng presyo ng fuel products ay posible itong magresulta sa pagtaas ng inflation rate na makakaapekto naman sa economic well-being ng bawat Pilipino.| ulat ni Nimfa Asuncion