Ipinapanukala ni Senador Raffy Tulfo na maisabatas na ang pagbabawal sa mandatory na pangongolekta ng anumang bayad o kontribusyon mula sa mga estudyanteng nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Sa paghahain ng Senate Bill 2420, iginiit ni Tulfo na ang mga nag-aaral sa pampublikong paaralan ay mula sa mga pinakamahihirap na pamilya sa bansa, at maaaring panghinaan lang sila ng loob na ituloy ang kanilang edukasyon kung magpapataw pa ng karagdagang bayarin para sa kanila.
Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring mangolekta ng bayad mula sa mga mag-aaral na nag-e-enroll sa pre-school hanggang Grade IV, sa enrollment period at buong school year.
Para sa mga lampas Grade IV na, walang anumang uri ng koleksyon ang dapat gawin sa panahon ng enrollment at unang buwan ng mga klase.
Simula sa ikalawang buwan, ang mga kontribusyon para sa ilang membership na lang ang maaaring kolektahin pero boluntaryo lang dapat ito.
Kabilang na dito ang para sa membership ng boys scout, girls scout, at Red Cross.
Ang panukalang batas na ito ay umaayon sa pangako ng bansa sa pagkamit ng Education for All (EFA) Plan 2015, at ang Millennium Development Goals (MDGs) partikular na tungkol sa partisipasyon ng elementarya. | ulat ni Nimfa Asuncion