Sen. Risa Hontiveros, nanawagang dapat pagbayarin ang China para pinsalang ginawa nila sa corals sa West Philippine Sea

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inihain ni Senadora Risa Hontiveros ang Senate Resolution 804 na nagpapahayag ng mariing pagkondena sa malawakang pag-aani ng China ng corals sa West Philippine Sea at hinimok ang naaangkop na kumite ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa isyu.

Ito ay matapos makumpirma na sinira ng mga Chinese militia vessels ang mga bahura o corals sa Rozul Reef at Escoda Shoal.

Kasabay nito ay iginiit ni Hontiveros na dapat pagbayarin ang China ng danyos para sa pinsalang idinulot ng aksyon ng Chinese militia vessels sa marine resources ng ating bansa.

Ayon sa senadora, aabot ng bilyon-bilyong piso ang makukuha ng ating bansa kung maoobliga nating magbayad ang China.

Giit ng mambabatas, bukod sa ninakawan nila ng hanapbuhay ang ating mga mangingisda ay winawasak pa nila ang ating likas-yaman.

Ipinunto ni Hontiveros na hindi ito ang unang pagkakataon na manghihingi ang ating bansa bayad-danyos para sa nasirang bashura dahil una nang nakasingil ang Pilipinas ng P87-million mula sa US matapos masira ng USS Guardian ang Tubbataha Reef noong 2013.

Nakasaad din sa resolusyon na hindi kinukunsinti ng gobyerno ang patuloy na pinsala sa kapaligiran, ekonomiya, at seguridad na dulot ng mga aksyon ng China, at dapat tuklasin ang iba pang paraan para mapanagot ang China, kabilang ang claim for damages na isasampa sa Permanent Court of Arbitration. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us