Nagkaroon ng executive session ang mga senador kasama ang Department of National Defense (DND) para pag-usapan ang detalye ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Base sa 2024 budget presentation ng DND sa naging pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance, nasa P115 billion ang requested budget nila para sa AFP modernization.
Gayunpaman, P50 billion lang ang inaprubahang alokasyon ng DBM na nakapaloob sa 2024 National Expenditure Program (NEP).
Nag-commit naman si Senate President Juan Miguel Zubiri na magiging malaki ang idadagdag na pondo para sa AFP at sa DND.
Kinakailangan aniya ang dagdag na panggastos para sa defense ng bansa para hindi tayo ma-bully ng kapitbahay nating bansa sa norte.
Nangako rin si Zubiri na bibilisan ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang pagpapasa ng panukalang amyenda sa procurement law.
Pinaliwanag ng senate leader na makakatulong ito para sa makabili ang AFP ng mga pinaka-episyente at magandang defense equipment.
Target aniya ng Senado na maipasa ang panukalang ito pagdating ng Disyembre para maipatupad na ito sa susunod na taon.| ulat ni Nimfa Asuncion