Tiniyak ni Senate Majority leader Joel Villanueva na on track ang mataas na kapulungan ng Kongreso sa pagpapasa ng mga priority bills ng administrasyon.
Ayon kay Villanueva, sa 20 priority bills na kinakailangang maipasa ngayong taon, tatlo na dito ang naaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa kabilang ang Trabaho Para Sa Bayan bill, LGU Income Classification bill at ang Philippine Salt Industry Development bill.
Ngayong linggo, tatlong dagdag na panukalang batas ang naipasa na nila sa ikalawang pagbasa. Ito ang Ease of Paying Taxes bill, Internet Transactions bill at ang New Philippine Passport bill.
Binahagi rin ng majority leader na bago ang Senate break sa susunod na linggo ay target nilang maaprubahan ang Public-Private Partnership bill, Magna Carta of Filipino Seafarers bill at ang Anti-Agricultural Smuggling bill.
Maliban dito ay ilang mga panukalang batas pa ang nadagdag sa priority bills ng administrasyon gaya ng panukalang pagpapataw ng excise tax sa mga single-use plastic, amyenda sa government procurement act at ang Philippine Maritime Zones bill.
Iginiit ng senador na napapanahon ang pagpapasa ng Philipiine Maritime Zones act sa gitna ng patuloy na paggigiit ng Pilipinas ng karapatan natin sa West Philippine Sea (WPS).| ulat ni Nimfa Asuncion